Inaresto ng mga awtoridad pero pinalaya rin kinalaunan ang isang 69-anyos na dentista sa General Santos City na humirit umano ng sex sa isang 15-anyos na babaeng pasyente kapalit ng paglalagay ng "brace" sa kaniyang mga ngipin.

Sa ulat ni Abbey Caballero sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagtungo sa kanilang tanggapan ang biktima para isumbong ang ginawa ng suspek.

Magpapapasta umano ng ngipin ang biktima nang alukin umano ng suspek ang dalagita na lalagyan ng libreng brace ang kaniyang ngipin pumayag lang na makipagtalik sa kaniya.

Pero tumanggi ang biktima sa alok ng suspek at hinipo umano ng dentista ang dibdib ng dalagita.

“In exchange of sex. Wala nagsugot ang victim kay ingon niya wala siya’y kwarta. Paghawa na sa victim, immediately, gi-grab niya ang dughan nga bahin sa victim,” sabi ni Lagao Police Station Chief Major Ivan Charles Abastillas.

Inaresto ng mga awtoridad ang suspek pero napilitan din silang palayain pagkaraan ng ilang araw matapos iurong ng biktima at pamilya nito ang reklamo.

Ayon kay Abastillas, posibleng nagkaroon ng pag-uusap ang magkabilang panig kaya hindi na itinuloy ang reklamo laban sa suspek.

Gayunman, hinikayat ng opisyal ang publiko na isumbong sa pulisya ang magiging biktima ng katulad na insidente. At kung maaari ay ituloy ang reklamo para hindi na makapambiktima ng iba.-- FRJ, GMA Integrated News