Napatay na mga pulis nitong Miyerkules ng umaga ang suspek sa pagbaril at pagpatay sa kanilang kabaro na nagsagawa ng buy-bust operation sa Cebu City noong nakaraang Nobyembre.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak, kinilala ang nasawing suspek na si Jenecy Rafols alyas “Atong Rafols."

Isisilbi sana ng mga pulis ang arrest warrant laban kay Rafols sa Barangay Tapul, Talisay City, Cebu pero nanlaban ito na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Si Rafols ang suspek sa pagbaril at pagpatay kay Police Corporal Ryan Baculi, 32-anyos, na nagsasagawa ng buy-bust operation sa Barangay Kinasang-an sa Cebu City noong nakaraang Nobyembre.

Aarestuhin na ni Baculi ang target na si alyas "Namol," nang bigla siyang barilin ng kasamahan nito na si Rafols.

Ayon sa pulisya, sangkot si Rafols sa ilang kaso ng pagpatay at hinihinala rin na miyembro ng isang gun-for-hire group. --FRJ, GMA Integrated News