Inalis sa kaniyang puwesto ang hepe ng Tagoloan Police station sa Misamis Oriental makaraang lumabas sa social media ang video na makikitang may dala siyang baril habang nakasibilyan at may kinomprontang mga kabataan sa kalye.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, kinilala ang tinanggal na police station chief na si Police Captain Enrique Dungog.
Ayon kay Police Colonel Choli Jun Caduyac, Director Misamis Oriental Police Provincial Office, ang pag-alis kay Dungog sa puwesto ay para bigyan daan ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Batay sa social media post, nagsumbong pa umano ang mga sibilyan sa police station tungkol sa ginawang pangha-harass ni Dungog pero hindi raw sila pinansin at pinabura pa umano ang video.
Sinabi ni Caduyac na hiningan niya ng paliwanag si Dungog tungkol sa insidente. Sinabi umano ng sinabak na police station chief na sinita niya ang mga grupo ng mga kabataan na maingay ang motorsiklo dahil sa "bora-bora" o modified mufflers.
Gayunman, nakainom umano si Dungog nang mangyari ang insidente.
Isinailalim sa restrictive custody ng provincial police si Dungog na maaaring maharap sa kasong administratibo.--FRJ, GMA Integrated News