Patay matapos tambangan at pagbabarilin sa loob ng kaniyang sasakyan ang isang kapitan ng barangay sa Mangaldan, Pangasinan nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Melinda Morillo, 60-anyos, ng Barangay Poblacion.

Ayon sa kapatid ng biktima, pauwi na si Morillo sa isa pa nilang bahay sa Barangay Tebag galing sa barangay hall nang mangyari ang pananambang.

Ilang metro na lang ang layo ng biktima sa bahay nang pagbabarilin siya ng mga salarin sa loob ng kaniyang sasakyan.

Wala raw alam ang pamilya na kagalit ang biktima, at maging sa banta sa buhay nito.

Nagtatag na ang pulisya ng special investigation task group para lutasin ang krimen. Sinusuri na rin ang mga CCTV footages na maaaring makatulong sa imbestigasyon. --FRJ, GMA Integrated News