Isa na namang lalaki na may problema sa pandinig ang nasawi at naputulan ng braso makaraang mahagip at makaladkad ng tren sa Gumaca, Quezon.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Danilo Caperiña, 65-anyos, residente ng Barangay Inaclagan, na malapit sa riles ng tren ng Philippine National Railway (PNR).
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na naglalakad sa gilid ng riles si Caperiña at hindi nito namalayan ang paparating na tren na panay na ang busina sa kaniya.
Mayroon umanong problema sa pandinig ang biktima.
"Ito pong ating mga piloto ay binusinahan naman po itong ating biktima. Marami pong pagbusina at the same time po ayun nga nag-apply din po ng preno pero hindi na rin po napatigil ang tren at inabot po ang biktima," ayon kay Police Major Reynaldo Panebe, hepe ng Gumaca Police Station.
Hindi naman umano mabilis ang takbo ng tren na patungong Bicol nang mangyari ang insidente.
Wala pang opisyal na pahayag na inilalabas ang pamunuan ng PNR pero may abiso na nakipag-ugnayan na sila sa pamilya ng biktima.
Nagpaalala naman ang pulisya na huwag hayaan na mag-isa ang mga kaanak na may kapansanan.
Nito lang nakaraang linggo, isang lalaki rin na mayroon umanong problema sa pandinig ang nalasog ang katawan matapos mahagip ng tren ng PNR sa Naga City.
Noong nakaraang buwan, isang lalaki rin na hinihinalang inatake ng epilepsy ang nasagasaan ng tren ng PNR sa Polangui, Albay .
Bukod pa rito ang isang lalaki naman sa Oas, Albay na nasagasaan din ng tren at nasawi. --FRJ, GMA Integrated News