Nasawi ang isang 58-anyos na babae sa San Carlos City, Pangasinan matapos na dalawang ulit na matuklaw ng ahas sa bukid.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Mercedes Exiomo.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, nagtungo sa bukid si Exiomo para mamili ng gulay na kaniya naman ibebenta.
"Sa una hindi malalim ang pagkagat, hindi nga pinansin ni tita. Tapos kumagat ulit, malalim na, may dugo na akong nakita," sabi ni Bernadette Fabia, pamangkin ng biktima.
Dinala sa pagamutan si Exiomo pero binawian din ng buhay makalipas ng ilang oras matapos siyang matuklaw.
Sa death certificate ng biktima, nakasaad na snakebite with signs of severe envenomation ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Sa tala ng Center for Health Development (CHD) Region 1, hindi si Exiomo ang unang biktima na nasawi sa lugar dahil sa tuklaw ng ahas.
Payo ng mga awtoridad kapag natuklaw ng ahas, agad na pumunta sa ospital at huwag nang hintayin na makaramdam ng sintomas.
Huwag ding hihiwain o susugatan ang bahagi ng katawan na natuklaw, at huwag sipsipin ang kamandag o lason.
"Kapag ang isang tao ay natuklaw ng ahas, dalhin agad sa pinakamalapit na ospital para mabigyan ng anti-venom kung ang nakakagat na ahas ay poisonous,” ayon kay Dr. Rheuel Bobis, spokesperson ng CHD-Region 1.-- FRJ, GMA Integrated News