Inihatid ng lokal na pamahalaan pauwi sa kanilang lugar ang nasa 400 lumad makaraang magrambol ang ilan nilang kasamahan sa Davao City. Ang ugat umano ng gulo, ang hatian sa kanilang kinita sa pamamasko.
Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang rambulan noong Sabado ng gabi sa ilalim ng Agdao flyover.
Bukod sa suntukan, ilan sa mga kasali sa rambol ang may hawak na pamalo at nagkaroon din ng batuhan.
Kahit dumating na ang mga pulis, ilan sa mga lumad ang ayaw magpaawat at patuloy pa rin sa rambulan.
Ayon sa pulisya, anim na pasimuno ng gulo ang kanilang inaresto.
Sinabi ni Police Leiutenant Colonel Ronald Lao, hepe ng Sta Ana Police Station, na lumitaw sa imbestigasyon na nag-inuman ang ilan sa mga lumad at nagkaroon ng pagtatalo tungkol sa hatian ng kanilang nalilimos.
Dahil sa insidente, isinakay sa truck ng lokal na pamahalaan ang nasa 400 na lumad at inihatid sila sa kanilang lugar sa Talaingod.
Maliban sa nangyaring gulo, peligroso rin sa mga lumad ang manatili sa kalsada kasama ang mga bata.
Mahigpit din umano na ipinagbabawal sa lungsod ang pagbibigay ng limos o pamasko sa kalsada. --FRJ, Integrated News