Nahuli-cam ang pagsalpok ng isang kotse sa isang estudyante na tumatawid sa pedestrian lane sa tapat lang ng kanilang paaralan sa San Juan, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng Barangay Bulag ang pagtawid ng ilang mag-aaral mula sa kanilang paaralan.
Ang isang estudyante, tumakbo pagsapit sa gitna ng pedestrian lane nang biglang dumating ang isang kotse na mabilis ang takbo.
Nasalpok ng kotse ang biktima na nagtamo ng mga bali at sugat sa katawan.
Ayon sa ulat, patuloy na nanatili sa ospital ang bata habang nangako umano ang driver ng kotse na tutulong sa gastusin ng biktima.
Samantala, nasawi ang isang ama habang sugatan ang kaniyang anak nang salpukin ng isang kotse ang sinasakyang nilang "garong" (isang uri ng tricycle ) sa San Juan, Ilocos Sur.
Nasawi si Samson Guzman, habang nakaligtas pero sugatan ang 16-anyos niyang anak na si Sam.
Sa CCTV footage sa national highway, nakita ang pagdaan ng garong na sinasakyan ng mag-ama at nasa likuran nila ang kotse na nakabangga sa kanila.
Ayon sa pulisya, inamin umano ng driver ng kotse na nakainom ito at hindi napansin ang mga biktima na nasa kaniyang unahan.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga biktima at humiwalay ang sidecar mula sa motorsiklo.
Nagkaroon na umano ang pag-uusap ang driver ng kotse at pamilya ng mga biktima.-- FRJ, GMA Integrated News