Patay ang 28 katao matapos na mahulog sa bangin ang isang bus sa Hamtic, Antique nitong Martes ng hapon.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB kay Antique Gov. Rhodora Cadiao, sinabi nito na nangyari ang trahediya sa Barangay Igbucagay dakong 4:30 p.m.
Sa 53 sakay ng bus, agad na nasawi ang 25, habang sa ospital naman pumanaw ang tatlong iba pa.
Labing-anim na sakay pa ng bus ang malubhang nasugatan.
"Grabe ang kanilang injuries kasi ravine ito e. Kung hindi ako nagkamali, mga 20 to 30 meters down," ani Cadiao.
"Tatlo ang nag-expire right before my eyes, hindi pa kasama sa 25 na dead on impact," dagdag niya.
Galing umano sa Iloilo ang bus at papuntang San Jose sa Antique.
Batay umano sa kuwento ng isang nakaligtas, sinabi ni Cadiao na bago umakyat sa bundok ang sasakyan ay sinuri pa umano ng driver ang bus.
Panay umano ang busina ng driver nang magtuloy-tuloy na ang bus dahil nawalan na ito ng kontrol sa sasakyan.
Ayon kay Cadiao, nahulog ang bus sa bahagi ng highway sa bundok na walang barrier o harang.
"Pauwi na mga pasahero nito na almost all Antiqueños. Some are even students and seaman. Sa may Barangay Igbucagay [nangyari]. This is a mountain highway here in Antique na dinadaanan namin ito papunta sa Iloilo," anang gobernador.
Sinabi rin ni Cadiao na hindi iyon ang unang pagkakataon na may sasakyan na nahulog sa nasabing bahagi "mountain highway."
"Pangalawang bus na ang nahulog diyan at marami nang sasakyan sa ilalim na 'di pa nare-retrieve," ani Cadiao.
Nilaparan na umano ng Department of Public Works and Highways ang kalsada sa lugar at naglagay ng cement barrier pero hindi pa rin umano sapat. —FRJ, GMA Integrated News