Hinarang sa Mactan-Cebu International Airport ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang tatlong babae na papunta sa Hong Kong para mamasyal pero sa Vietman umano ang talagang destinasyon.
Sa inilabas na pahayag ng BI nitong Martes, sinabing nagpaliwanag umano ang tatlong babae nitong Sabado na apat na araw silang mananatili sa Hong Kong para mamasyal.
Pero lumabas din na sa Vietnam talaga ang destinasyon nila para sa iproseso ang kanilang pagtatatrabaho sa isang kompanya doon.
Dahil sa pangyayari, binigyan-diin ni BI Commissioner Norman Tansingco na dapat sumailalim sa tamang proseso ang mga nais magtrabaho sa ibang bansa.
“It is crucial for aspiring overseas workers to undergo the right processes, secure the appropriate documents, and be cautious of schemes that exploit their vulnerability," anang opisyal.
"Remain vigilant and always seek the help of authorized agencies, especially amid the influx of international passengers who will be vacationing during the holidays,” dagdag niya.
Ipinagkatiwala ang tatlong babae sa Inter-Agency Council Against Trafficking. -- FRJ, GMA Integrated News