Binaril at napatay ang isang barangay chairwoman at ang kaniyang asawa habang nagbibisikleta sa Ramos, Tarlac.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Editha Sarsuela, 60-anoys, kapitana ng Barangay Plastado sa bayan ng Gerona, at ang kaniyang mister na si Edgar, 68.

Ayon sa pulisya sa tagiliran ang tama ng bala ni Editha habang sa ulo naman si Edgar.

Nagbibisikleta ang mag-asawang biktima sa Barangay San Juan sa bayan ng Ramos nang tambangan sila ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng mga biktima habang nagdadalamhati, ayon sa pulisya.

Pero hihintayin nila na makaugnayan ang abogado ng pamilya.

Nagsasagawa rin ng backtracking ang pulisya batay sa mga nakalap na CCTV camera para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.-- FRJ, GMA Integrated News