Duguan at putol na ang isang paa ng isang aso nang makabalik siya sa bahay ng kaniyang amo sa Guinobatan, Albay. Hinala ng beterinaryo, tinaga ang paa ng aso.
Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabi ng may-ari ng aso na posibleng nakalabas noong madaling araw ang kaniyang alaga na si "Bamboo" kaya walang nakapansin.
Walang CCTV camera sa lugar sa Barangay Minto kaya hindi malaman kung sino ang pumutol sa paa ng aso. Nabuhay naman ang aso pero ilang araw na ginamot dahil nagkaroon siya ng matinding impeksiyon.
Ayon kay Grace Revilla Campos, nagkalat sa kanilang lugar ang dugo pero hindi matukoy kung sino ang nanakit sa kaniyang alaga dahil walang CCTV camera sa lugar.
"Yung dugo, nagkalat siya sa barangay road namin. Sadly nga, walang CCTV dito sa barangay namin so talagang hindi namin ma-identify kung sino. Walang gustong mag-witness kung sino 'yung nakakita o nakarinig," ani Campos.
Ipinagbabawal sa batas ang pananakit sa mga alagang hayop tulad ng aso. Papatawan ng multa ang sinumang mapatutunayang lumabag at maaaring makulong ng hanggang dalawang taon.
Ang barangay, maglalagay na raw ng CCTV camera at magpapatrolya.
"Sa [Disyembre] kuwatro, magre-regular session na kami bago umupo. Ita-tackle ko din iyan. Sa mga residente ko, huwag natin gawin iyon sa mga aso. Kapag nahuli tayo na ginawa ninyo iyon sa aso na ganyan, sigurado makukulong kayo. 'Yung iba na nag-aalaga ng aso naman, sana nakatali din iyong aso nila," paalalani Barangay Captain Rio Riva.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News