Nasawi ang isang Grade 11 student makaraang siyang pagbabarilin sa loob mismo ng paaralan at masaksihan ng iba pang estudyante sa Pikit, Cotabato.

Sa ulat ni Jestoni Jumamil sa GMA Regional TV One Mindanao, sinabing nangyari ang insidente nitong Nobyembre 29, habang nag-aayos ng stage ang 21-anyos na biktima kasama ang kaniyang mga kaklase.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nilapitan ng salarin ang biktima habang nagde-decorate sa stage at basta na lang pinagbabaril.

Tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.

Mayroon na umanong persons of interest ang mga awtoridad. Kasabay nito, inaalam nila kung may kinalaman sa krimen ang pagiging miyembro ng biktima ng CAA o Citizen Active Auxillary.

Kinondena naman ng DepEd Cotabato ang pamamaril at sinabing hindi katanggap-tanggap ang mga pag-atake sa mga eskuwelahan at mga mag-aaral.

Sinusubukan pang kunin ang pahayag ng pamilya ng biktima. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News