Nangangamba para sa kanilang kaligtasan ang ilang residente matapos sumabog at masunog ang isang maliit na gasolinahan sa Bongabon, Nueva Ecija.
Ang isang truck driver na nagsasalin noon ng gasolina, nagtamo ng mga pasa.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nangyari ang insidente gabi ng Nobyembre 29, kung saan makikita sa isang video na isa-isa na ring sumasabog ang mga linya ng kuryente na naabot ng sunog.
Sinabi ng isang residente na naganap ang pagsabog isang araw bago magbukas ang micro gas station.
Binulabog ang mga residente ng malakas na pagsabog bandang 10 p.m.
"Nagsasalin po 'yung truck ng gasolina roon sa mismong station, bigla naman pong sumabog. Isang sabog lang siya tapos apoy na agad, sobrang laking sunog na agad," sabi ng residenteng si Windle Sagun.
Wala namang naiulat na iba pang nasaktan na mga residente.
Sa kabutihang palad, malapit ang fire station sa lugar kaya agad nakaresponde ang mga bumbero, at tumulong din sa pagresponde ang mga bumbero sa karatig-bayan.
Umabot sa ikalawang alarma ang apoy, bago naapula bago mag-hatinggabi.
Patuloy ang Bureau of Fire Protection sa pag-iimbestiga sa pinagmulan ng sunog.
Ayon naman sa inisyal na imbestigasyon, wala pang permit ang naturang gasolinahan.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang may-ari ng gasolinahan. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News