Nasawi ang isang lalaki na may kapansanan umano sa pandinig nang mahagip ng tren sa Naga City, Camarines Sur nitong Martes ng hapon.
Sa ulat ni Cris Novelo sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Concepcion Pequena.
Biyaheng Ligao City, Albay ang tren ng Philippine National Railways (PNR) na nakadisgrasya sa biktima.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na tumigil na ang mga sasakyan na tatawid sa riles dahil sa paparating na tren. Pero ang biktima, nagtuloy-tuloy pa sa paglakad.
"Kaya pala nagtataka ako ba't hindi pa siya dumarating," umiiyak na pahayag ni Salve Aquino, live-in partner ng biktima.
Ayon kay Police Major Juvy Llunar, Station Commander ng NCPO Station 6, lumabas sa kanilang imbestigasyon na may problema sa pandinig ang biktima kaya posibleng hindi niya napansin ang paparating na tren.
Nababahala naman ang pamunuan ng PNR dahil ikatlong insidente na ito sa tren mula nang magbalik ang operasyon ng PNR sa rutang Naga City, Camarines Sur-Ligao City, Albay nitong nakaraang Hulyo.
"Kami ay lubhang nababahala at nag-aalala siyempre lalong-lalo na sa kapakanan nung mga nasa paligid na mga nakatira diyan sa along our PNR tracks diyan sa hanggang Ligao [Albay]," ayon kay Joseline Geronimo, manager ng PNR Operations Department.
Plano ng PNR na dagdagan ang nagbabantay sa mga railroad crossing.
"So mag-ingat po sila sa kanilang pagtawid, bago sila tatawid pakinggan nila, meron bang paparating na tren, lilingon muna sa kanan [sa kaliwa] bumubusina naman po yan. Sana maging alerto sila palagi upang makaiwas sa anumang maaaring hindi magandang aksidente," payo ni Geronimo. --FRJ, GMA Integrated News