Himalang nakaligtas ang isang bagong silang na babaeng sanggol na inilagay sa sako at saka inabandona sa masukal na lugar sa Bacacay, Albay nitong Martes.
Sa ulat ni Dawn Jimenez sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Miyerkules, sinabing ang mga nagawi sa masukal na lugar ang nakakita sa sanggol sa Barangay Sogod sa Bacacay.
Kuwento ni Michael Golgota, may nadinig silang iyak na kanilang hinanap hanggang sa makita nila ang sanggol sa loob ng sako na nilalanggam na.
"Binuksan ko (yung sako), nakita ko kaagad yung kalahating katawan niya tapos balot siya ng... yung ulo balot ng pajama, nakalitaw lang ng konti ito. Eh, di binuksan ko, kinuha ko yung tela, nilabas ko itong mukha puro na langgam," ayon kay Golgota.
Matapos na maibalot sa tela, dinala na ang sanggol sa ospital.
"Nung naibalot po namin siya sa kumot medyo nakarekober yung bata at 'yun naisip po namin na dalhin siya sa ospital," sabi ng residente na si Gilda Benlayo.
Iniimbestigahan na ng pulisya kung sino ang nag-iwan sa sanggol, na nasa pangangalaga na ngayon ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO). --FRJ, GMA Integrated News