Isang araw makaraang ilunsad, ipinatigil muna ni Cebu governor Gwendolyn Garcia ngayong Miyerkules ang programang pagbebenta ng P20 per kilo ng bigas sa mga mahihirap matapos na bigla umanong dumami ang mahihirap sa lalawigan.
Sa ulat ni Lloyd Suarez sa Super Radyo dzBB, sinabing suspendido muna ang pagpapatupad ng Sugbo Merkadong Barato Program (SBMP) makaraang lumobo sa mahigit 300,000 ang benepisaryo ng programa mula sa dating 199,000 .
BASAHIN: P20 per kilo na bigas, mabibili na sa Cebu pero...
Sa ilalim ng programa, tutukuyin ng mga alkalde o lokal na pamahalaan ang mga pamilyang mahihirap sa kanilang nasasakupan na papayagang bumili ng bigas sa halagang P20 bawat kilo sa mga pop-up store at Kadiwa Store.
JUST IN: Agarang suspensyon sa pagbebenta ng ?20/kilo ng bigas sa lahat ng lungsod at bayan sa Cebu, ipinag-utos ni Gov. Gwendolyn Garcia dahil sa paglobo ng listahan ng mahihirap na Cebuanos na pinahihintulutang makabili ng murang bigas. | via LLoyd Suarez, Super Radyo Cebu pic.twitter.com/QIiUNS6x9y
— DZBB Super Radyo (@dzbb) November 29, 2023
Ang isang pamilya, maaaring makabili ng hanggang limang kilo ng bigas sa isang linggo.
Ayon sa gobernador, susuriin muna ang listahan ng mga benepisaryo bago ipatupad muli ang programa na maaaring sa susunod na linggo.
Inihayag din ni Garcia, na pinag-aaralan nila ang posibilidad na mag-angkat na rin ng bigas ang pamahalaang panlalawigan na siyang ibebenta sa programa.
Layunin nito na maipagpatuloy ang pagbebenta ng murang bigas na sa ngayon ay galing sa National Food Authority (NFA) na hindi na awtorisado na mag-angkat ng bigas, at tanging produksyon ng lokal na magsasaka ang maaaring bilhin.-- FRJ, GMA Integrated News