Pumanaw sa ospital ang isang 65-anyos na babae ilang araw matapos siyang dalhin doon at iwanan ng tricycle driver na nakabangga sa kaniya sa Nueva Ecija.

Sa ulat ng Mornings with GMA Regional TV nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Perla Isabelle de Guzman, residente ng Barangay San Juan Accfa sa Cabanatuan City.

Pumanaw si de Guzman dahil sa matinding pinsala sa ulo na tinamo dahil sa pagkakabangga sa kaniya ng tricycle sa Barangay Sumacab Este.

Ayon sa imbestigasyon, tumawid ang biktima sa kalsada nang mahagip siya ng tricycle.

Sa kuha ng CCTV camera, makikitang paghandusay ang biktima sa gilid ng daan.

Tumigil naman ang tricycle at dinala nito sa ospital ang biktima.

Pero kaagad din umalis ang tricycle driver at hindi nag-iwan ng pangalan.

Nais ng mga kaanak na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng biktima.

Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng tumakas na tricycle driver.--FRJ, GMA Integrated News