Tatlong menor de estudyante ang nasawi matapos na malunod sa ilog sa Mandug, Davao City. Ang mga biktima, naligo sa ilog kahit na oras ng kanilang klase.
Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Takie Sanico, 13-anyos; Kian Bituin, 12, at Jeric Redulla, 12.
Ayon kay Direk Dela Peña, may dalawang bata na humingi ng tulong pero nang dumating sila sa lugar ay nawala na ang mga bata.
Makaraang ng ilang minuto, isa-isa nang naiahon ang mga bata mula sa ilog. Kaagad na binigyan ng first aid o cardiopulmonary resuscitation ang mga bata bago sila sugod sa ospital pero idineklara silang dead on arrival.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Davao City Police Office Spokesperson Police Captain Hazel Tuazon, na hindi sumipot sa kanilang klase ang mga biktima.
“Without permissions sa ilang teacher then ang ilang ginikanan wala pud nakabalo nga mangaligo sila anang sapa," ayon kay Tuazon.
Mataas din umano ang tubig at malakas ang agos sa ilog nang mangyari ang insidente.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung may pananagutan ang paaralan sa nangyari.
Ayon kay Tuazon, dapat paalalahanan ng mga guro ang mga estudyante na manatili sa eskuwelahan sa oras ng klase.-- FRJ, GMA Integrated News