Nauwi sa madugong engkuwentro ang pagsisilbi ng mga pulis ng arrest warrant laban sa isang murder suspect sa Ganassi, Lanao del Sur na si Alyas "Lastikman."

Sa Facebook post ng GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing pinaputukan ng suspek ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakasugat ng dalawang tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).

Tinamaan naman ang suspek nang gumanti ng putok ang mga awtoridad. Idineklarang dead on arrival sa ospital ang suspek, habang nasa mabuting kalagayan na ang mga nasugatang pulis.

Nangyari ang insidente sa Barangay Bagoingod noong Linggo ng madaling araw, ayon sa pulisya.

Ayon sa pulisya, nahaharap si Lastikman sa mga kasong four counts of murder, three counts of frustrated murder, at attempted murder.

Nakuha sa suspek ang isang M16 rifle at tatlong magazine na may mga bala.

Binisita naman ni Lanao del Sur Deputy Police Director for Administration, Lieutenant Colonel Jobert Caldea, ang mga nasugatang SAF troopers sa ospital.-- FRJ, GMA Integrated News