Saksak ang tila ipinambayad ng isang lalaki sa ginang na naniningil umano ng utang sa halagang P600 sa Antipolo City. Pati ang tatlong anak ng ginang, sugatan din.
Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News"Saksi" nitong Lunes, sinabing sugatan sa tinamong mga saksak sa iba't ibang parte ng katawan ang 52-anyos na ginang.
Nasugatan din ang tatlo nitong anak na tinangkang tumulong sa kanilang ina.
Ayon sa Antipolo City police, lasing ang suspek nang mangyari ang insidente.
"Nagkataon na nakulitan na yung suspek at siya ay nakainom at biglang sinugod sa kanilang tahanan at inundayan niya ng saksak yung apat na kababaihan po. Bale isang pamilya," sabi ni Antipolo Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo.
Matapos ang mananaksak, nagtago umano sa bundok ang suspek pero naaresto rin kinalaunan ng mga pulis sa Sitio Kaysakat 2 sa Barangay San Jose.
Ayon sa suspek na si Joseph Delda, P600 ang utang niya sa biktima na hindi niya naman tatakbuhan.
Paliwanag niya, may sanggol silang namatay at ililibing kaya kinausap niya ang biktima na hindi na muna siya magbabayad.
Pumayag naman daw noong una ang biktima pero muling naningil.
"Dun ako nainis e. Kasi kinausap ko siya na sa sunod next na ako magbayad e," giit ng suspek.
Ayon sa pulisya, dati nang may kasong frustrated murder ang suspek pero itinanggi niya sa panayam.
Nagpapagaling na sa ospital ang mga biktima.— FRJ, GMA Integrated News