Arestado ang dalawang babaeng nagpapakilalang cosmetic surgeon dahil sa pagsasagawa nila ng mga clinical procedure kahit hindi lisensiyado sa lloilo City.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing agad dinakip ng National Bureau of Investigation -Western Visayas Regional Office ang mga target ng kanilang entrapment operation sa Molo, Iloilo City, pagkabayad ng P10,000 na marked money ng mga undercover.
Nakatakda sanang magsagawa ng nose lift procedure ang mga suspek sa ilan nilang pasyente kahit wala silang PRC license.
Sinabi ng NBI na nagsumbong sa kanila ang ilang complainant na sumailalim sa clinical procedure sa establisyemento.
Ayon kay Atty. Lito Magno, Assistant Director ng NBI, na inireklamo ng mga complainant ang pagkakaroon ng skin at bacterial infection matapos magpasuri sa mga suspek.
Sinampahan ng reklamong paglabag sa Medical Act ang dalawang suspek, na sumailalim na sa inquest proceedings.
Hindi pa nagbibigay ng reaksyon ang dalawang suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News