Napatay ng mga awtoridad sa Dumanjug, Cebu ang suspek na nahuli-cam na dalawang beses pang binalikan ang kaniyang biktima para barilin muli kahit nakatumba na sa Cebu City.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News Balitang Bisdak nitong Lunes, kinilala ang napatay na suspek na si Godolfredo Manzanades Jr., residente ng Argao, Cebu.

BASAHIN: Biktima ng pamamaril sa Cebu, dalawang beses pang binalikan ng suspek para barilin muli

Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa armadong lalaki sa Barangay Kolabtingon sa Dumanjug nitong Linggo ng hapon.

Nang pumunta ang mga pulis sa lugar, nagpaputok umano si Manzanades kaya gumanti rin ng putok ang mga awtoridad na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Sinabi pa sa pulisya, bukod sa insidente ng pamamaril at pagpatay sa Cebu City noong Oktubre 31, suspek din si Manzanades sa insidente ng pamamaril at pagpatay sa isang residente sa Barangay Pawa sa Dumanjug.

Idinagdag ng pulisya na isang gun for hire si Manzanades. --FRJ, GMA Integrated News