Isang bangkay ng dalagita ang nakita sa loob ng isang sako na lumulutang sa Binasagan River sa Pili, Camarines Sur nitong Linggo. Suspek, kakilala ng pamilya ng biktima.
Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabing Sabado nang mawala ang 13-anyos na biktima sa Barangay San Jose sa Pili.
Kinabukasan, nakita ang sako na kinalalagyan ng bangkay ng biktima na walang saplot pang-ibaba sa ilog na ilang metro ang layo sa kanilang bahay.
"Yung mismong tatay niya rin po ang unang nakakita doon sa cadaver. Kasi hinanap na po nila noong nagdilim na nakatali 'yung sako. Nakita niya noong binuksan niya 'yung sako, 'yung anak niya 'yung nasa loob," ayon kay Police Leiutenant Colonel Joffrey Todeño, hepe ng Pili Municipal Police Station.
Nitong Linggo rin, isang 32-anyos na construction worker ang inaresto ng mga awtoridad, residente rin sa barangay at kaibigan umano ng pamilya ng biktima.
"Family friend. Actually, kainuman lang din ito ng tatay ng biktima. Umamin na rin 'yung suspek na siya talaga yung may kagagawan. Pero hindi daw po niya ginahasa. Parang nasakal lang po niya kasi daw maingay. lyon ang sabi niya," ayon kay Todeño.
Tumanggi muna ang pamilya ng suspek na magbigay ng pahayag. Hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri sa mga labi ng biktima para alamin kung ginahasa ng suspek. -- FRJ, GMA Integrated News