Inaresto ng mga awtoridad sa Calabanga, Camarines Sur ang isang transwoman na nagbabanta umano sa mga dating nakarelasyon na ipakakalat sa social media ang kanilang pribadong video kapag hindi ibinigay ang hinihingi niyang pera.
Sa ulat ni Cris Nobelo sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabing inaresto ang suspek sa bisa ng apat na warrant of arrest tungkol sa kasong estafa at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ang dalawang warrant ay isinilbi ng Calabanga police at dalawa rin mula sa Regional Anti-cybercrime Division.
Ayon sa mga awtoridad, modus umano ng suspek na takutin ang kaniyang mga nakarelasyon na ipo-post sa social media ang kanilang mga pribadong video kapag hindi ibinigay ang hinihingi niyang pera.
Ilan umano sa mga nabiktima ng suspek ay mga uniformed personnel at negosyante na kaniya umanong kinakaibigan muna, dagdag pa ng pulisya.
Nakakulong na ang suspek na tumanggi umanong magbigay ng pahayag. -- FRJ, GMA Integrated News