Apat na kabataang lalaki ang nasawi nang sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa likod ng truck sa Marcos Highway sa Antipolo City, Rizal, kaninang madaling araw.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Lunes kay Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo Police, sinabing pawang residente sa nasabing lungsod ang mga biktima na nasa edad 21 hanggang 22..

Kinilala ang driver ng kotse na si Juanito Magsino.

"Kumpirmado na may apat tayong patay," ayon kay Manongdo.

Sa lakas ng pagkakabangga, pumasok ang unahan ng kotse sa ilalim ng likuran ng truck.

"Hindi ito head-on, ito ay iisang linya at bumangga sa likod," sabi ni Manongdo.

Sinisiyasat pa umano ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente kung nakainom ang nagmamaneho o dahil nakikipag-karera.

Nangangalap pa umano ng CCTV footage sa lugar ang mga awtoridad, ayon kay Manongdo.—FRJ, GMA Integrated News