Nauwi sa pisikalan ang ginawang pagbusina ng truck driver sa nakaparang van sa harap ng isang convenient store na nakakaabala umano sa ibang motorista sa Quezon. Ang driver pala ng van, pulis na off-duty.

Ayon sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinugod, minura, sinipa at sinapak umano ng nakasibilyang pulis ang nakaalitang truck driver na nangyari sa Gumaca, Quezon nitong Huwebes.

Batay sa mga nakasaksi, nagsimula raw ang gulo nang paulit-ulit na businahan driver ng truck ang van na pumarada sa harap ng isang convenient store.

Ang naturang pagparada ng van, nakakaabala umano sa ibang motorista.

Makikita naman sa vdeo na may ilang saksi na umawat sa pulis.

Ayon sa hepe ng Gumaca Police, hindi naka-duty ang pulis na sa video nang mangyari ang insidente. Iniimbestigahan na raw nila ito, at kasamang aalamin kung nakainom ang pulis nang mangyari ang kaguluhan.

Ipinatawag din ang driver ng truck na umamin na bumaba siya ng kaniyang sasakyan na may hawak na pamalong bakal. Gayunman, nauna raw na nanakit ang nasabing pulis.

Hindi naman daw ginamit ng driver ang pamalong bakal na ibinigay daw niya sa umawat sa gulo.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng sangkot na pulis.-- FRJ, GMA Integrated News