Isang guro ang nahuli-cam na pinaparusahan at sinasaktan ang hindi bababa sa pitong estudyante sa loob ng silid-aralan matapos itong makuhanan ng video na viral na ngayon sa social media.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" noong Biyernes, makikita sa video ang mga estudyante mula sa Burabod Elementary School sa Burauen, Leyte na naka-squat at may mga hinampas sa kamay ng guro gamit ang walis-tingting.
Ipinatawag na umano ng Department of Education Eastern Visayas ang pinuno ng eskwelahan at ang guro na sangkot sa insidente.
Kinukondena umano nila ang kahit anong uri ng karahasan, pagsasamantala, diskriminasyon, bullying, at iba pang pang-aabuso na nagaganap sa mga paaralan. --Jiselle Casucian/FRJ, GMA Integrated News