Nagtamo ng mga sugat ang isang 15-anyos na binatilyo matapos siyang pagtulungang gulpihin ng grupo ng kabataan at saksakin pa ng ice pick sa Davao City.
Sa ulat ni Kent Abrigana ng GMA Regional TV Davao sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood sa video ang pagtutulungan ng grupo ng mga kabataan na bugbugin at kuyugin ang lalaking biktima alas-dos ng madaling araw sa Agton Street, Barangay Toril Proper, Davao City.
Ilang saglit pa, may umawat sa kanila at nagawang makatayo at makatakbo palayo ng lalaki.
Ngunit maya-maya lang, may pinagtulungan ulit ang mga kabataan na gulpihin sa kabila namang banda.
Natigil lamang ang pambubugbog matapos may sumigaw na may parating na pulis.
Sinabi ng pulisya na kasama ng 15-anyos na biktima ang kaniyang mga pinsan dahil piyesta sa barangay.
Pauwi na ang magpipinsan nang makasalubong ang isang grupo at sinapak ang biktima, kaya rumesbak ang mga ito na humantong sa gulo.
Nadakip ang suspek sa pananaksak na kinilalang si Peter Zabala, 18-anyos at positibong itinuro ng witness sa follow-up operation ng Toril Police.
Gayunman, itinanggi ni Zabala ang paratang sa kaniya.
Patuloy na ginagamot sa ospital ang biktima, habang nahaharap sa kasong frustrated homicide ang suspek. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News