Nasawi ang isang babae na may kasamang sanggol nang masangkot sila sa karambola ng apat na motorsiklo at isang bisikleta sa Sta. Rosa, Laguna. Pito ang sugatan, kabilang ang baby.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras"nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang pagsemplang ng dalawang motorsiklo matapos magkasabitan sa Barangay Malusak.
Sakay ng isang motorsiklo ang isang babae na kaagad na niyakap ang hawak niyang sanggol na mahigit isang taong gulang ang edad.
Pero hindi pa man nakakatayo ang babae, isang motorsiklo pa ang bumangga sa kaniya. Naiwasan naman ng naturang motorsiklo ang dumating na bisikleta na may dalawang sakay, pero nahagip naman at nabangga ng isa pang motorsiklo.
Ayon sa pulisya, nasawi ang babaeng may hawak sa anak niyang sanggol na nahagip ng ikatlong motorsiklo na si Angel Ann Cardiente, 21-anyos.
Pito ang sugatan, kabilang ang sanggol, at dalawang menor de edad na sakay ng bisikleta.
Sinabi ng ina ni Angel na si Alma, nagkausap pa sila sa chat bago ang aksidente kung saan may pinag-usapan silang problema.
"Nakapag-chat pa po siya, nagsabi pa po siya sa akin na, 'Sige mama tutulungan kita'. Oras lang po yung pagitan ng aming pag-uusap sa chat," saad ni Alma.
Napag-alaman na patuloy na nag-aaral si Angel at kung minsan ay suma-sideline para kumita ng pera para sa kaniyang pamilya.
Walang suot na walang suot na helmet o safety gear ang mga biktima nang mangyari ang insidente na makikita sa CCTV footage.
Sa ngayon, nag-uusap pa ang pamilya ng nasawi at nakabanggang rider. --FRJ, GMA Integrated News