Isang 3-anyos na batang babae ang pinatay at pinaniniwalaang ginahasa pa sa Sultan Kudarat, ayon sa ulat ni Abbey Caballero ng GMA Regional TV One Mindanao sa Unang Balita nitong Lunes.

Suspek sa krimen ang 72-anyos na kapitbahay ng biktima.

Natagpuan ang bangkay ng biktima may 30 metro mula sa kanilang bahay sa bayan ng Senator Ninoy Aquino.

Ayon sa pulisya, nasa loob ng bahay ang biktima kasama ang nanay at tatlong kapatid noong September 26 ng gabi nang biglang pumasok ang suspek na si Rolando Baylon Sr.

Hawak ang isang bolo, tinangka umanong gahasain ni Baylon ang ina ng mga bata.

"Ang una sana niya na plano na i-rape is itong nanay. Nakatakbo ang nanay. Ang naiwan is 'yung mga anak lang," kuwento ni Police Captain Mingfie Santillana, OIC ng Senator Ninoy Aquino Municipal Police.

Nang makatakbo palayo ang ina ng mga bata, pinagdiskitahan na ng suspek ang batang biktima.

"Ang sabi ng 8 years old na bata is binuhat itong kapatid niya na 3 years old. Umiiyak itong bata at sumigaw itong 3  years old. Nung umiyak, pinukpok niya ito ng bato sa ulo kaya nawalan ng malay itong bata na 3 years old," ani Santillana.

Dinala raw ng suspek ang bata sa lugar kung saan ito natagpuang patay.

Maliban sa tinamong sugat sa ulo, may laceration din daw sa ari ang bata, base sa resulta ng medico legal.

Agad na nagsagawa ng operasyon ang pulis kung saan nasakote at napatay si Baylon matapos umano itong manlaban.

Dati na raw nakulong ang suspek dahil sa kasong murder noong 2018 at kakalaya lang niya ngayong taon. —KBK, GMA Integrated News