Nagdulot ng takot sa mga residente sa isang barangay sa Catanauan, Quezon ang makamandag na Philippine cobra na naligaw sa bakuran ng isang bahay.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong huwebes, sinabing hindi naging madali ang ginawang paghuli sa kobra sa Barangay Pacabit.
Nagdulot ng takot sa mga residente ang kobra lalo pa't isang aso ang namatay matapos umano nitong matuklaw.
Gayunman, ligtas na nahuli ng mga kawani ng Community Environment and Natural Resources Office o CENRO-Catanauan ang ahas.
Ayon kay Sersue Noblefranca ng CENRO, maaaring makadisgrasya ng tao ang ahas kung hindi ito mahuhuli dahil mag-iikot ito sa lugar.
May haba na anim na talampkan ang kobra na isang babae. Posible umano itong naghahanap ng pagkain kaya napunta sa bakuran.
Dahil nabibilang na sa threatened species ang Philippine cobra, o kakaunti na lang ang populasyon, hindi ito dapat basta-basta pinapatay.
Dinala ang ahas sa rescue center ng Catanauan. --FRJ, GMA Integrated News