Maayos na ang kalagayan ni Bulacan Governor Daniel Fernando na isinugod sa ospital matapos sumama ang pakiramdam at mahirapang magsalita habang nasa isang pagtitipon.

Sa ulat ng GTV News "Balita Ko" nitong Miyerkules, ipinakita ang bahagi ng nag-viral na video sa social media na makikita ang gobernador na tila walang boses na lumabas sa bibig hanggang sa semenyas na siya sa kasama.

Kaagad na inalalayan si Fernando at umalis sa naturang pagtitipon.

Sa inilabas na pahayag ng Bulacan Provincial Government, sinabi nito na nangyari ang insidente noong Lunes ng gabi  sa isang pagtitipon sa Bulacan Capitol Gymnasium.

Ayon umano sa mga duktor, sobra sa pagod at dehydrated ang gobernador kaya sumama ang pakiramdam.

"Sa ngayon, siya po ay kasalukuyang nagpapahinga at maganda na ang kalagayan," ayon pa sa pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News