Natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay sa Limay, Bataan at may mga saksak ang isang batang 11-taong-gulang at dalawang babaeng senior citizen. Ang suspek sa krimen, ang pinalayas umanong live-in partner ng isa sa mga biktima.

Sa ulat ni CJ Torrida ng One North Central Luzon sa GMA News Saksi nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Rosita Lobaton, 70-anyos, Marie Sampang, 60-anyos, at ang apo na si Reign Yoj Sampang.

Ayon kay Police Major Dennis Duran, hepe ng Limay Police Station, suspek sa krimen si Arvin Martin, na live-in partner ni Marie.

Nagalit umano ang suspek nang makipaghiwalay sa kaniya si Marie at pinaalis ng bahay. Pero bumalik umano ang suspek at ginawa ang krimen.

Sa follow-up operation, nadakip sa kaniyang bahay sa Lubao, Pampanga si Martin pero itinanggi niya ang bintang laban sa kaniya.

Sa kabila nito, naniniwala si Duran na nalutas na ang krimen at sasampahan nila ng kaukulang kaso si Martin. -- FRJ, GMA Integrated News