Agad na nasawi ang isang rider nang sumabit ang kaniyang leeg sa kable ng isang ng tow truck na may hinihilang sasakyan na nabalahaw sa Lemery, Batangas.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na gabi at umuulan nang nangyari ang trahediya sa Barangay Tubig sa nasabing bayan.

Batay sa imbestigasyon, pauwi na sana sa Barangay Poblacion sa San Nicolas, Batangas ang 28-anyos na rider nang madaanan nito ang tow truck na nasa kanang bahagi ng kalsada at may hinatak bus na nabalaw sa putik.

"Dahil nga po gabi, maulan, siguro hindi po agad napansin ng mga motorista na may hila na ganoon kaya dire-diretso po sila. Hindi na napara noong mga tao kaya sumabit yung leeg niya at mismo sakto doon sa kable," ayon kay PSSG Omat Salanguit, investigator, Lemery police station.

"Medyo may kabilisan nga po talaga ang pagpapatakbo noong motor, wala silang helmet noong time na 'yon," patuloy niya.

Sinabi ng pulisya, nagkausap na umano ang pamilya ng biktima at ang driver ng tow truck.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng rider at driver ng truck, ayon pa sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News