Nahuli-cam sa Mandaue City sa Cebu ang pagtangay ng isang lalaki sa isang walong-taong-gulang na babae na isinilid niya sa maleta. Ang bata, nasagip, habang nadakip naman ang suspek.
Sa pulong balitaan nitong Biyernes, sinabi ni Mandaue City Police chief Police Colonel Jeffrey Caballes, na mayroon lang kaunting galos na tinamo ang bata.
"May mga kaunti dahil siguro noong pinasok siya sa bag kaya nagkaroon ng scratches, bruises dito (sa wrist)," ayon kay Caballes.
Sa pahayag nitong Huwebes, kinilala ng Police Regional Office 7 (PRO7) ang suspek na si Godiflor Rama, 32-anyos, caretaker sa apartment ng pamilya ng biktima.
Dakong tanghali nitong Huwebes nang sapilitang isilid ng suspek ang biktima sa maleta sa Barangay Bakilid.
Nakita sa CCTV camera ang suspek habang hinahatak ang maleta sa kalsada.
Ini-report sa pulisya ang insidete dakong 5:00 pm.
Ayon sa pulisya, bumuo agad ng grupo ang PRO 7 para hanapin ang suspek at sagipin ang bata.
“Three hours after the incident came to the knowledge of the operatives, an intricate rescue police operation was immediately conducted paving the way to the successful rescue of the victim and the arrest of the suspect,” ayon sa PRO7.
Nasa pangangalaga na ng kaniyang mga magulang ang biktima.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabi ni Rama na wala siyang balak na masama sa bata, at ibabalik daw niya pagkaraan ng ilang oras.
Nais lang umano niyang gumanti sa isang miyembro ng pamilya ng bata na pinagbintangan siya na nagnakaw.
Sasampahan naman ng kaukulang kaso si Rama.-- FRJ, GMA Integrated News