Timbog ang isang lalaking nagpakilalang dentista dahil sa pagbubunot niya ng ngipin at paggawa ng pustiso kahit wala siyang lisensiya sa Calatrava, Negros Occidental. Depensa ng suspek, naaawa siya sa mga kliyenteng hindi makabayad sa pagpapagawa ng ngipin.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood sa exclusive video ng Philippine Dental Association ang pagdakip ng National Bureau of Investigation katuwang ang PDA sa nagpapakilalang dentista na si Jude Labado.

Isinagawa ang entrapment operation sa bahay ng suspek sa Barangay Bantayanon, na nagsisilbi niya ring klinika.

Inireklamo si Labado ng medical malpractice dahil sa pagbubunot ng ngipin, paggawa ng pustiso o paglalagay ng braces lalo sa mga kabataang kliyente kahit wala umanong lisensiya.

Libre lamang o donasyon ang kapalit ng kaniyang serbisyo, dahil sa awa sa mga kliyenteng hindi kayang magbayad sa pagpapaayos ng ngipin.

“P1,500-P2,000 ang [bayad sa] bunot. Kapag wisdom [tooth], P5,000. Sinong mahirap ang makaka-afford? Donasyon lang ang hiling ko o nagbibigay sila ng P250 o P200,” sabi ni Labado.

Natuklasan ding nagsisilbing assistant ang isa sa mga anak ni Labado.

Sinabi ng mga awtoridad na nagreklamo ng pamamaga ng kanilang gilagid ang ilan sa mga naging kliyente niya.

Desidido ang PDA na sampahan ng kaso si Labado ng paglabag sa RA 9484 o The Philippine Dental Act of 2007. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News