Isang naaagnas na bangkay ng babae na walang saplot pang-ibaba ang nakita sa isang manggahan sa General Tinio, Nueva Ecija.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nakita ang bangkay sa masukal na bahagi ng isang manggahan sa Barangay Rio Chico.

Isang magsasaka na nag-i-spray sa mga puno ng mangga ang nakadiskubre sa bangkay ng biktima.

Ayon sa mga awtoridad, bagaman may suot na sleeveless na damit ang biktima, wala siyang saplot pang-ibaba, at may tila tali na nakalagay sa kaniyang leeg.

Nakita rin malapit sa bangkay ng babae ang isang short, eye glass at pares ng sandals na kulay pula.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima, at kung sino ang salarin. --FRJ, GMA Integrated News