Halos isang linggo nang nawawala ang isang magkapatid na lalaki na kinuha ng mga salarin at isinakay sa puting van sa Batangas City.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Herminio at Joey Mallorca, ng Barangay Wawa sa nasabing lungsod.
Nakita sa CCTV camera noong Huwebes ng gabi nang dumating ang nasa siyam na lalaki at pumasok sa eskinita patungo sa bahay ng magkapatid na Mallorca.
Ilang saglit pa, lumabas na mula sa eskinita ang mga lalaki kasama ang magkapatid na tila nakatali sa likod ang mga kamay at isinakay umano sa puting van.
Tinangka pa raw ng mga kamag-anak ng magkapatid na sundan sila pero pinigilan sila ng mga lalaki.
"Ibalik kahit sila'y wala na. Basta ibalik kung wala na. Basta nakikita lang namin ang kanilang katawan," panawagan ng kaanak ng magkapatid.
"Pero mas maganda kung buhay sila," dagdag niya.
Hinala ng pulisya, may kinalaman sa away sa ilegal na droga ang pagkuha sa magkapatid.
Ayon kay Police Leiutenant Ragemer Hermidilla, chief investigation, Batangas City Police, sangkot umano sa ilegal na droga ang magkapatid at dati nang nakulong.
Aminado naman ang mga kaanak ng magkapatid na gumagamit ng ilegal na droga ang isa sa mga biktima.
Sa tulong ng CCTV, natuloy na umano ng awtoridad ang pagkakakilanlan sa isang suspek at patuloy pa ang isinasagawa nilang operasyon para mahanap ang mga ito.--FRJ, GMA Integrated News