Pinatay at pinagputol-putol ang katawan ng isang engineer na isang buwan nang nawawala sa Bacoor City, Cavite. Ang suspek sa krimen, ang katiwala ng biktima na siya ring nagturo kung saan niya itinapon ang mga parte ng katawan ng kaniyang amo.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Engineer Napoleon Fernandez, na dati ring overseas Filipino worker.
Naaresto naman ang katiwala at suspek na si Romnick Bombeo, matapos siyang umalis ng bahay na may dalang bag. Laman nito ang mga gamit ng biktima, pati na pera na aabot sa P4 milyon.
Dalawang taon na umanong katiwala ng biktima ang suspek at magkasama sa bahay.
Ang kapatid ng biktima na nasa Cebu na si Danilo ang nag-report sa pulisya na isang buwan nang nawawala si Fernandez.
“During custodial debriefing po kinuwento po ni suspek na nung time po nung July 7 birthday po ni engineer, victim po, na nagtatalo po sila habang umiinom siya. Eto daw po si victim, chinallege siya na sige patayin mo ako. So dali daling kinuha ni suspek yung samurai, sinaksak si victim,” ayon kay Police Major Renalyn Lim, Bacoor PNP Public Information Office.
Upang maitago ang krimen, pinagputul-putol ng suspek ang katawan ng biktima, inilagay sa mga sako, at isa-isang niya itong itinapon sa sapa.
“Nilagay niya sa maleta then nilagay niya sa creek. Sumakay siya sa jeep, five to seven times niyang hinakot yung katawan ni victim,” sabi pa ni Lim.
Nitong August 7, naaresto ang suspek matapos itong makitang umalis sa bahay ng biktima na may dalang backpack. Nanlaban pa umano ang suspek nang tangkaing siyang arestuhin ng mga pulis.
“Nakita po ‘yung laman ng bag is yung pera po at saka mga alahas ni victim and ID and ATM cards,” ayon kay Lim.
Hindi naman matanggap ni Danilo ang ginawa ng suspek na labis umanong pinagkatiwalaan at pinakisamahan nang maayos ng kaniyang kapatid.
“Binihisan niya, binigyan siya ng apartment ng kapatid ko. Kung ano kinakain ng kapatid ko kinakain din niya. Binibigyan siya ng pera, magbabakasyon siya kung kelan niya gusto, tapos bandang huli, sasaksakin lang niya at papatayin. Papatayin niya brutal pa tatadtarin mo hahatiin mo tapos icha-chop-chop mo pa sa ilog? Napakasakit naman yan,” hinanakit niya.
Maliban sa mga naunang kaso na qualified theft at direct assault, nakatakdang sampahan ng kasong robbery with homicide ang suspek.
Inaalam pa ng Bacoor PNP kung may kasabwat si Bombeo sa ginawang krimen. -- Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News