Sa loob lang ng 30 minuto, apat na buhay ang nawala sa isang pamilya sa Sta. Maria, Bulacan matapos silang makulong sa nasusunog nilang bahay.
Sa ulat ni Gab De Luna sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing natutulog ang pamilya sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Barangay Caypombo, nang mangyari ang sunog nitong Martes ng madaling-araw.
Ayon kay Fire Inspector Arvin Catipon, Bureau of Fire Protection (Region 3)-Public Information Officer, tanging ang kasambahay ng pamilya na nasa ibaba ng bahay ang nakaligtas.
Hindi na umano nagawang pumanik ng bahay ang kasambahay dahil sa laki ng apoy kaya humingi siya ng tulong.
Inabot lang ng unang alarma ang sunog na tumagal ng 30 minuto pero hindi na nasagip ang buhay ng mag-anak.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog na maaaring dulot umano ng electrical problem.
Magpapadala rin ang BFP ng specimen sa kanilang arson laboratory bilang bahagi ng imbestigasyon. —FRJ, GMA Integrated News