Nasawi sa tuklaw ng ahas ang isang 11-anyos na lalaki sa Sogod, Southern Leyte. Ang biktima, may hinahabol umanong daga nang mangyari ang insidente.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, isinalaysay ng kapatid ng biktimang si Johnson Cuyno, na naglalaro umano ang bata sa madamong lugar malapit sa kanilang bahay.

Nakakita ng daga ang kaniyang kapatid at hinabol ito, hanggang sa matuklaw siya ng isang ahas sa kaliwang binti.

Dinala si Cuyno sa district hospital ngunit dahil walang anti-venom ang pagamutan, pinapunta ang pamilya sa Tacloban City.

Nasawi ang biktima habang nasa biyahe.

Pinoproseso na ng DSWD ang tulong na ibibigay sa pamilya.

Payo ang Department of Health sa mga matutuklaw ng ahas, tumawag agad ng tulong medikal, linisin ang sugat at lagyan ng benda.

Iwasan ding gumalaw at dalhin ang biktima sa pinakamalapit na ospital. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News