Inabangan at sinasaksak ng isang lalaki ang isang rider na sakay sa motorsiklo ang kaniyang live-in partner sa Iloilo. Pero ang biktima, may baril naman at pinaputukan ang suspek.

Sa ulat ni Zen Quilantang ng One Western Visayas sa GMA Regional TV News nitong Martes, kinilala ng pulisya ang lalaking nag-abang at nanaksak na si Paquito Besa.

Habang ang kaniyang sinaksak na rider na armado ng baril, kinilalang si Mark Anthony Secherita.

Sa kuha ng CCTV footage noong Sabado ng gabi, makikita si Secherita na sakay ng motorsiklo at angkas ang isang babae na nanggaling sa pinapasukang grocery store sa Barangay Poblacion sa Zarraga, Iloilo.

Pero bago makarating sa mismong kalye, biglang sumulpot mula sa kaniyang pinagtataguan si Besa at sinugod si Secherita na kaniyang sinaksak.

Nakatakbo naman si Secherita palayo pero nang bumalik, may baril na ito at pinaputukan si Besa.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan si Besa habang nasaksak naman sa likod si Secherita.

Selos ang nakikitang motibo ng pulisya sa krimen dahil pinaghihinalaan ni Besa na may relasyon si Secherita sa kaniyang live in partner na angkas nito nang mangyari ang insidente.

Parehong nagpapagaling sa ospital ang dalawa. --FRJ, GMA Integrated News