Dahil mayroon umanong kalaguyo, binugbog at napatay ng isang lalaki ang kaniyang misis sa Polomolok, South Cotabato.
Sa ulat ni Abbey Caballero sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing 40-anyos ang biktima, habang 57-anyos naman ang kaniyang suspek na asawa.
Naaresto ang mister na sinabing nahuli umano niyang may kasamang ibang lalaki ang kaniyang misis noong gabi ng Agosto 1.
Kinabukasan, umuwi ang ginang at nagkaroon ng mainit na pagtatalo ng dalawa na nauwi sa pambubugbog ng mister sa kaniyang asawa.
Nadala pa ang ginang sa ospital pero binawian din ng buhay.
“Nasaktan niya yung asawa niya, nagkaroon ng head injury. Dinala sa hospital unfortunately namatay,” sabi ni Polomolok Municipal Police Station Chief, Lt. Col. Johnny Rick Medel.
Mahaharap sa reklamong parricide ang suspek. --FRJ, GMA Integrated News