Patay ang isang 11-anyos na batang lalaki at 24 iba pa ang nagkasakit matapos silang kumain umano ng napulot na expired canned goods sa Zamboanga City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Balitanghali nitong Martes, sinabi ng pulisya na itinapon ng isang tindahan ang canned goods na expired na noong pang 2021.
Sa halip na ibaon sa lupa, iniwan lang umano ng tindahan ang expired na mga lata ng sardinas at corned beef sa isang bakanteng lote.
Napulot ito kalaunan ng mga bata na kaanak ng biktima.
Maliban sa pumanaw na bata, lima pang menor de edad ang nakakain at naospital, at may 19 pang kapitbahay ang nagsuka at nahilo.
Inilahad ng Department of Health na may proper disposal ang expired food products gaya ng mga delata na dapat sundin ng manufacturers at mga tindahan.
Maigi ring suriin kung nakaumbok na ang lata, dahil senyales ito na kontaminado na ang loob.
Tingnan din kung malapit na ang expiration date ng delata, lalo kung bagsak-presyo na ito sa pamilihan. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News