Aabot sa 300 tonelada ng mga bangus at tilapia ang namatay sa bahagi ng Taal lake sa Talisay, Batangas. Ang itinuturong dahilan ng fishkill, ang biglaang pagbabago ng panahon.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV News ngayong Lunes, sinabing nangyari ang fishkill sa Barangay Sampaloc sa Talisay.
Apektado rin ang palaisdaan sa katabi nitong Barangay Buco dahil inaanod sa kanilang lugar ang mga namatay na isda.
Ayon sa isang opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR-Calabarzon), ang biglaang pagbabago ng panahon ang dahilan ng pagkamatay ng mga isda bunga ng pagbaba ng dissolved oxygen.
"Usually nangyayari 'yan kapag ganitong mainit yung panahon tapos biglang uulan. Nag-o-over turn yung doon sa lawa, nagko-cause ng pagbaba ng dissolved oxygen. Kapag nag-change yung klima, nagkakaroon talaga ng ganun," paliwanag ni Sammy Malvas, Regional Director, BFAR-Calabarzon.
Patuloy ang isasagawa nilang monitoring at water sampling sa lawa ng Taal na apektado ng fishkill.
Ipinagbabawal naman ang pagbebenta at pagkain ng mga isdang namatay.
Ayon sa punong barangay ng Buco, inalalagay nila sa sako ang mga patay na isda na inaanod sa kanilang lugar at saka nila ito ibinabaon sa lupa. --FRJ, GMA Integrated News