Nabahala ang ilang residente sa Naga City, Camarines Sur para sa kanilang kalusugan matapos makita ang mga gamit nang syringe o hiringgilya sa tambakan ng basura sa gilid lang ng kalsada.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing namataan ang mga gamit na hiringgilya sa Barangay Balatas.
Sinabi ng Solid Waste Management Office ng lungsod na dapat inilalagay ang medical waste sa isang container, at hindi rin dapat hinahalo sa pangkaraniwang basura.
Dapat din na sa registered disposal facility tulad ng sanitary landfill itinatapon ang mga hiringgilya.
Idinagdag ng Department of Health-Bicol na maaaring makaapekto ito sa kalusugan kung sakaling matusok ng mga ginamit na hiringgilya ang isang tao.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung sino ang nagtapon nito, na maaaring maharap sa reklamong paglabag sa Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News