Anim na araw bago ang kaniyang moving up ceremony sa junior high school, namatay ang isang estudyante matapos mabundol ng jeep at maipit sa steel fence sa Dasmariñas, Cavite.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, nangyari ang aksidente nitong Martes ng hapon matapos mawalan ng preno ang jeep na galing sa isang supermarket.
Kinilala ang biktima na si Renz Jether Matias, 16-anyos na Grade 10 student. Naisugod pa siya sa ospital pero binawian din siya ng buhay.
Nakatakda sana sa July 10 ang moving up ceremony ng biktima, ayon sa kaniyang pamilya.
"Hindi ako makapaniwala na ganon ang nangyari sa anak ko," anang ama ni Renz na si Ricardo Matias.
Ayon naman kay Jaderille Danielle Matias, ate ng biktima, mabait at masipag mag-aral si Renz.
"Lagi iyang nagpapatulong sa akin ng assignments niya, nagpapa-correct ng essays niya, grammar. Ito 'yung sobrang mami-miss ko sa kapatid ko. Hanggang ngayon hindi pa talaga nagsi-sink in sa akin na wala na kapatid ko," naiiyak na kuwento ni Jaderille.
Lumalabas sa imbestigasyon na katatapos lang mag-deliver ng mga buko ang jeep sa supermarket. Pababa na raw ito galing sa delivery area na nasa third floor nang mawalan ng preno.
Arestado ang driver ng jeep na si Zaldy Bago, na ilang taon na raw nagde-deliver ng buko sa lugar.
"Hindi na kinaya ng engine brake tsaka sa center island kahit ibinangga ko na," ani Bago.
"Humihingi ako ng kapatawaran... hindi ko naman kagustuhan," dagdag pa niya.
Sa kabila nito, desidido ang mga kaanak ni Renz na sampahan ng reklamo si Bago.
"Itutuloy namin 'yung kaso. 'Yun ang gusto ng mama ko, 'yun din po ang gusto namin. Kasi sinasadya man o hindi, wala na pong magagawa. Nawalan na po ng buhay 'yung kapatid ko, hindi na 'yun mababalik," ani Jaderille.
Mahaharap si Bago sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. —KBK, GMA Integrated News