Naaresto ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa brutal na pagpatay sa isang miyembro ng LGBTQ+ community sa Kapalong, Davao del Norte.
Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Martes, sinabing naaresto ng mga awtoridad sa hot pursuit operation ang mga suspek sa pagpatay sa biktimang si Jandel Parame.
Unang nakita ang duguang bangkay ni Parame na may tali sa leeg sa Purok 5 sa Barangay Luna.
Ayon kay Police Major Catherine Dela Rey, spokesperson ng Police Regional Office-Davao (PRO-11), idinahilan umano ng suspek na ang hindi pagtupad ng biktima sa kanilang kasunduan ang ugat ng krimen.
Hinampas umano ng suspek ng pala ng biktima at saka sinasaksak sa leeg.
Pagkaraan nito ay tinangay umano ng mga suspek ang motorsiklo at iba pang gamit ng biktima.
Mahaharap sa kasong murder at robbery ang mga suspek. --FRJ, GMA Integrated News