Patay ang isang batang babae na isang-taong-gulang lang nang makarating ito sa kalsada at mahagip ng sasakyan sa Cagayan de Oro.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Martes, sinabing nangyari ang trahediya nitong Lunes ng gabi sa Corrales Street sa Barangay 12.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, naghahanda ng kanilang makakain sa hapunan ang ina ng bata at hindi nito napansin maging ng iba pang kaanak na nakalabas ng bunkhouse ang anak at nakarating sa kalsada.

Nakita na lang ang biktima na nakahandusay sa kalsada at hindi tumigil kung sino man ang motoristang nakadisgrasya sa bata.

Ayon kay Traffic Investigator, Chief Master Sergeant Raul Ruaya, naghahanap na sila ng CCTV footages na malapit sa lugar na posibleng makatulong sa ginagawa nilang imbestigasyon.

Umapela rin siya sa driver ng nakadisgrasyang sasakyan na sumuko na lang at tulungan ang pamilya ng biktima para maipalibing nang maayos ang bata. --FRJ, GMA Integrated News